Saturday, April 11, 2009

Ang mga Dasal ng Mapagsumpaing Pabasa/ The Passion of the Damned

Dahil na nga Cuaresma at marami ang nabuburo sa kainipan at maging sa alingasaw ng mainit na panahon, naisipan kong ipamahagi sa inyo ang mga dasal na akda ni Marcelo H. Del Pilar. Babala: hindi dapat basahin ng mga taong walang kamuwang-muwang sa ibig sabihin mga salitang “satire” at “irony”. Kung kayo’y mga dugong-bughaw na kabilang sa aristokrasya ng mga makikitid ang pananaw, maaaring huwag na ninyong basahin. Sa mga deboto de sanctimonyo: ang mga ito ay hindi patungkol sa Diyos, kundi sa mga nagsusupumilit maging diyos-diyosan sa kanilang mga kapwa.

Pagsisisi
Panginoon kong Fraile, Diyos na hindi totoo at labis nang pagkatuo gumaga at sumalakay sa akin: pinagsisihan kong masakit sa tanang loobang dilang pag-asa ko sa iyo, ikaw nga ang berdugo ko. Panginoon ko at kaaway ko na inihihibik kong lalo sa lahat, nagtitika akong matibay na matibay na dina muling mabubuyo sa iyo: at lalayuan ko na at pangingilagan ang balanang makababakla ng loob ko sa pag-asa sa inyo, makalilibat ng dating sakit ng mga bulsa ko,at nagtitika akong maglalathala ng dilang pagkadaya ko umaasa akong babambuhin ka rin, alang-alang sa mahal na panyion at sa pangangalakal mo ng Cruz, sa pagulol sa akin. Siya nawa.

Ang Amain Namin
Amain namin sumasaconvento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin ang leeg mo dito sa lupa para nang sa langit. Saulan mo kami ngayon ng aming kaning iyong pagungal para nang pagpapatawa mo kung kami’y nakwakwartahan; at huwag mo kaming ipahintulot sa iyong manukso at iyadya mo kami sa masama mong dila.

Ang Aba Po Santa Barya
Aba po Santa Baryang Hari, inagaw ng Fraile, ikaw ang kabuhayan at katamisan. Aba bunga ng aming pawis, ikaw ang pinagpaguran naming pinapanaw ng taong Anak ni Eva, ikaw nga ang ipinagbubuntong hininga namin sa aming pagtangis namin dito sa bayang pinakahapis-hapis. Ay aba pinakahanap-hanap namin para sa aming mga anak, ilingon mo sa amin ang cara-y-cruz mo man lamang at saka bago matapos ang pagpanaw mo sa amin iparinig mo sa amin ang iyong kalasing. Santa Barya ina ng deretsos, malakas at maalam, matunog na ginto kami ipanalangin mong huwag magpatuloy sa amin ang mga banta ng Fraile. Amen.

Ang mga Utos ng Fraile
Ang mga utos ng Fraile ay sampu: Ang nauna: Samabahin mo ang Fraile na lalo sa lahat. Ang ikalawa: Huwag kang magpapahamak manuba ng ngalang deretsos. Ang ikatlo: Mangilin sa Fraile linggo man at fiesta. Ang ikaapat: Isangla mo ang katawan mo sa pagpapalibing sa ama’t ina. Ang ikalima: Huwag kang mamamatay kung wala pang salaping panlibing. Ang ikaanim: Huwag kang makiapid sa kanyang asawa. Ang ikapito: Huwag kang makinakaw. Ang ikawalo: Huwag mo siyang pagbintangan, kahit na masinungalingan. Ang ikasiyam: Huwag mong ipagkait ang iyong asawa. Ang ikapulo: Huwag mong itanggi ang iyong ari*. Itong sampung utos ng Fraile dalawa ang kinauuwian. Ang isa: Sambahin mo ang Fraile lalo sa lahat. Ang ikalawa: Ihain mo naman sa kanya ang puri mo’t kayamanan. Siya nawa.
*Ari- ari-arian, etc.

Nakapanlulumong isipin na hanggang sa kasalukyan ay mahalaga at naaangkop ang mga katagang nakasaad sa mga dasal na ito sa ating lipunan. Kakatwa talaga ang pananaw ni Del Pilar dahil nasasakupan nito ang hinaharap ng mahigit sa isang siglo. Siguro nga totoo talaga na ang mga b__ ay hindi namamatay, sila’y nagpapalit lamang ng anyo. Nananalamin ang mga dasal na ito sa ating mga naunsiyaming pangarap, at sa kasaysayan ng bansa, at wari’y minumungkahi: Ganito kami noon, ganyan pa rin ba kayo ngayon? Sadyang kalunas-lunas ang ating kalagayan na wala na akong ibang babanggitin, ngunit kung inyong mamarapatin lamang ay punan ninyo sa inyong mga isipan ang mga maaring ipalit sa pangngalang “Fraile”. Maligayang Pagbangon ng Poong Hesukristo, at para sa mga nagsipuntahan sa lalawigan, maligayang (?) pagbabalik sa buhay metro.