Para sa akin, mas maraming lamang sa pagiging kontrabida; ano na nga ba ang pakikipagsapalaran kung walang kontrabida? Ang mga kontrabida ay ang mga bumubuhay ng kwento--sila ay mga iconoklastikong tauhan na nagsusumikap pabagsakin ang nakagawiang pamamaraan ng pamumuhay, ang status quo. Sila ang mga taong kinalimutan at itinakwil na ng lipunan-- ang mga tinuturing kasuklam-suklam dulot ng samu't-saring dahilan. Ngunit sila ri'y kahanga-hanga dahil pinili nilang hamakin ang tadhanang kumitil ng kanilang mga pangarap, pinili nilang umahon sa pasyang pinataw sa kanila ng tadhana na siyang lulugmok sa kanila patungong kamatayan kung ito'y kanilang sinundan. Pinili nilang mabuhay sa gitna ng pagkamuhi at kalungkutan. Kung tutuusin, ang bida ay katha lamang ng mga taong tumatangkilik rito-- ang mga taong nakikinabang sa kanya. Maaaring ang isang bida ay nagbibida-bidahan lamang, at wala naman palang tunay na kakayahan. Siguro ang naghihiwalay lamang sa mga bida at kontrabida ay ang paghanga ng lipunan at ang pagkamuhi nito.
Maaring pinili ko na rin maging kontrabida dahil alam ko na noon pa na hindi rin tumatagal ang pagiging bida; at kung gayon, bakit pa ba ako magaaksaya ng panahon na magpakabida, kung pagiging kontrabida rin ang hahantungan ko? Nais nating maging mga bida, ngunit hindi natin maikakaila na likas na sa atin ang pagtitiwalag sa kabaitan. Hindi tayo mga santong kahoy na mananatiling mapayapa sa gitna ng unos ng buhay, at hindi natin maaring pangarapin na tayo'y gagawa lamang ng mabuti sa ating kapwa. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, tayo ang nagiging kontrabida, sa ayaw o sa gusto natin.
Kanya-kanya tayo ng kontrabida sa ating mga buhay-buhay. Mayroong mga iba na nalimutan na natin, mula pa sa pagkabata; mayroong laging nakaabang, na biglang sumusulpot mula sa madidilim na sulok; mayroon na rin tayong napabagsak at nalupig. Ngunit sa buong buhay ng isang tao, mayroon isang kontrabida na hindi lulubay sa kanya, at iyon ay ang sarili niya. Hindi nga ba't isang malaking hamon ang pagsupil sa mga tukso na inaalay sa atin nga ating mga isipan? Hindi nga ba't nag-aalinlangan tayo sa araw-araw kung ano nga ba ang daan na dapat tahakin, hindi ba tayo nanganganib dahil sa pag-aalinlangan na ito? Hindi ba tayo nagiging hadlang sa ating mga mithiin? Hindi ba tayo ang mga kontrabida sa sarili nating mga buhay, na humahadlang sa pagtanghal ng mga eksena sa maikling dula? Hindi nga ba tayo ang mismong sanhi ng ating kasawian?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment